MANILA, Philippines - Sisimulan bukas ang pagbubuo sa pambansang koponan na ilalaban sa South East Asian Basketball Association (SEABA) U18 qualifying tournament sa Singapore.
Mula Hunyo 24 hanggang 30 itinakda ang nasabing labanan at ang lalabas na kampeon ang kakatawan sa rehiyon sa gaganaping FIBA-Asia Championship sa Ulaan Bataar, Mongolia mula Agosto 17- 26.
Si Olsen Racela ang hahawak sa koponan at siyang mangangasiwa sa tryouts na gagawin sa Multi-purpose Arena sa Pasig City at tinatayang may 45 basketbolista ang magsisidalo.
Sa plano ay bubuo ng 24 na manlalaro ang coaching staff at ang pangalan ng nasa talaan ay ipadadala sa FIBA Asia bago ang Mayo 24. Ang huling 12 manlalaro ay pangangalanan bago ang Hunyo 10 para sa SEABA.