MANILA, Philippines - Ipinakita uli ni Arnon Theplib ng Thailand ang angking husay nang pagharian ang Asian 125/MX2 motos sa idinaos na 2012 FIM Asia Princesa Motocross Championship na ginawa sa Puerto Princesa City, Palawan noong Abril 14 at 15.
Naglalaro para sa koponan ng AP Honda, si Theplib ang nanguna sa dalawang motos kasama ang paglista ng bagong lap record sa moto 1 na nasa isang minuto, 17.84 segundo upang patingkarin ang hangaring mapanatili ang hawak sa titulo.
Ang 16-anyos na si Jugkrit Suksripaisan na mula Thailand at kasapi rin ng AP Honda ay nakasama ni Tomoya Suzuki ng Japan na nagkaroon ng tig-42 puntos pero ang una ang nalagay sa ikalawang puwesto dahil nauna siyang tumawid kay Suzuki sa playoff moto.
Pumang-apat si Khaliunbold Erdenebileg ng Mongolia habang ang pambato ng Pilipinas na si Kenneth San Andres ang pumanglima.
Ito ang ikasiyam na sunod na taon na itinaguyod ng Puerto Princesa ang Philippine Leg ng prestihiyosong motocross series sa Asia na inorganisa ng NAMSSA at suportado ni Mayor Edward Hagedorn.
Kasamang kuminang ni Theplib ang 50-anyos na si Roman Llorente ng Iriga City na hinirang bilang kauna-unahang Asian Veterans champion matapos pagharian ang dibisyon.
Selyado naman uli ni Mark Reggie Flores ng San Pablo City ang pagiging pinakamahusay na Asian junior rider nang dominahin ang Asian Junior 85 category.
Hindi pinaporma ni Flores ang mga humamong sina Gabriel Macaso ng Cabanatuan at Radzie Kallahal ng Basilan para ipamalas kung bakit siya ang tumatayong Asina junior champion.