MANILA, Philippines - Apat na beterano ng 26th SEA Games ang siyang tinapik upang kumatawan sa Discovery Perlas national women’s team na lalaban sa 3-on-3 event sa basketball sa 3rd Asian Beach Games sa Haiyang, China mula Hunyo 16 hanggang 22.
Sina Merenciana Arayi, Jovi Borja, Ma. Lailanie Flormata at Fil-Am Melissa Jacobs ang pinili ni national coach Haydee Ong sa hangaring higitan ang tinamong pilak na medalya ng Pilipinas sa men’s 3 on 3 noong 2010 sa Bali, Indonesia.
“Dahil hindi pa buo ang Gilas 2 program ng men’s team kaya ang women’s team na lamang ang ipinadala ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP). First time ito na makakasali ang women’s team sa 3-on-3 at excited kaming lahat,” wika ni Ong.
Naniniwala siyang nakuha niya ang tamang manlalaro para sa kompetisyong katatampukan ng mahuhusay na players mula China, Japan at Korea bukod pa sa SEAG champion Thailand dahil ang apat na ito ay hindi lamang matatangkad kundi ay maliksi at may kakayahang tumira sa labas.
Ang apat na ito ay nakasama sa koponang naglaro sa Indonesia at sinamang-palad na natalo sa Thailand sa overtime, 73-75, sa laban para sa gintong medalya sa SEA Games.
Pitong beterano ng SEA Games team ang nalalabi sa koponan pero maraming baguhan ang nagtatangkang masama sa national team.
Mula pa Enero ay nagsasanay na ang koponan at tutulak sila sa Mayo sa China para sa training camp.
Bukod sa Asian Beach Games, naghahanda rin ang koponan sa posibleng pagdaos ng SEABA women’s championship sa di pa batid na lugar.
Noong 2010 huling inilaro ang SEABA at ang Pilipinas ang hinirang na kampeon sa larong ginanap sa Ninoy Aquino Stadium.