MANILA, Philippines - Maaaring hindi alam ng karamihan na may malaking problemang dinadala sa kanyang mga balikat si Talk ‘N Text point guard Jimmy Alapag.
Nakatakdang bumiyahe sa United States si Alapag para makapiling ang kanyang amang may kanser at kapatid na nagkaroon ng stroke kamakailan.
“I have to pay tribute to my players. Jimmy Alapag, for one, should not be playing in this series because his father has been diagnosed to have cancer in the US and his brother just suffered a stroke,” sabi ni head coach Chot Reyes kay Alapag matapos wakasan ng Tropang Texters ang kanilang best-of-five semifinals series ng Barako Bull Energy sa 2012 PBA Commissioner’s Cup noong Miyerkules para sa kanilang pang limang sunod na finals appearance sa Philippine Basketball Association.
Sa 101-90 panalo laban sa Barako Bull sa Game Five, ang 2011 PBA Most Valuable Player na si Alapag ang naging sandigan ng Talk ‘N Text sa huling limang minuto ng fourth quarter.
Sasagupain ng Tropang Texters ang B-Meg Llamados sa best-of-seven championship series simula sa Lunes sa Smart-Araneta Coliseum.
Sa kanilang 3-2 tagumpay sa kanilang semis showdown ng Barako Bull, nabasag ang panga ni Kelly Williams, habang may bali sa ilong si import Donnell Harvey at bali sa kamay si Ali Peek.
Sa kabila nito, sinabi ni Reyes na kailangan nilang makahanap ng paraan para talunin ang Llamados ni Tim Cone sa kanilang title series.
Tinalo naman ng B-Meg ang Barangay Ginebra, 3-1, sa kanilang semis showdown.