BAGUIO CITY, Philippines--Sinimulan ni world eight-division champion Manny Pacquiao ang kanyang high altitude training dito kahapon ng umaga.
Nakasuot ng mahabang asul na t-shirt at berdeng shorts, nag-shadow boxing si Pacquiao at nag-jogging sa paligid ng Burnham lagoon ng limang beses kasabay si dating world flyweight titlist Rodel Mayol at ang kanyang Team Pacquiao.
“Wala namang nagbago sa akin at focus pa rin ako sa training ko although ngayon eh mas masaya ako kasi I have God,” sabi ni Pacquiao, magdedepensa ng kanyang world welterweight crown laban kay Timothy Bradley, Jr. sa Hunyo 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Nangako si Pacquiao na magbabahagi ng mga Bible quotes sa mga reporters na hihingi ng panayam sa kanya.
“Matthew 7: 26. But everyone who hears these words of mine and does not put them into practice is like a foolish man who built his house on sand,” wika ni Pacquiao.
Hindi naman sinagot ni Pacquiao ang mga political questions sa kanya.
Noong Lunes pa dapat umakyat ng Baguio City si Pacquiao para sa pagsisimula ng kanyang training camp, ngunit nanatili sa Maynila para sa kanyang “Bible classes.”
Sinimulan na din ni Pacquiao ang kanyang gym training sa Naguillan Road kasama sina strength and conditioning coach Alex Arriza, trainer Freddie Roach at dating world light welterweight king Amir Khan.
Dadalhin din ni Roach si Russian Ruslan Provodnikov bilang sparmate ni Pacquiao.
“Iba ang galaw ni Bradley. Magaling sa head movement at yun ang pag-aaralan namin at medyo magulang din,” sabi ni assistant trainer Buboy Fernandez.