MANILA, Philippines - Kumapit ang suwerte sa Boracay Rum nang maitakas ang 67-65 panalo laban sa Cagayan Rising Suns, habang sinorpresa ng Erase Plantcenta ang mas pinaborang Jr. Powerade na nangyari sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa Trinity University of Asia.
Nakitang nawala ang 14 puntos na kalamangan, kumapit pa rin ang suwerte sa Waves nang sumablay ang lay-up ni Roger Malig-on sabay tumunog ang buzzer para ilista ng tropa ni coach Lawrence Chongson ang ikalawang sunod na panalo matapos ang tatlong dikit na kabiguan.
Pinakamalaking bentahe ng Waves ay 48-34 na nangyari sa ikatlong yugto pero nanlamig ang kanilang opensa dahilan upang makabangon ang Suns.
Isang 3-point play ni James Castro ang naglapit sa Suns sa 65-67, bago nakaagaw si Castro sa mahinang inbound pass ng Waves may 8 seconds sa orasan.
Pero kinapos ang lay-up ni Malig-on at lasapin ng rookie team ang ikalimang sunod na kabiguan.