MANILA, Philippines - Limang guest players mula sa Thailand ang makikita sa aksyon para sa darating na ninth season ng Shakey’s V-League na hahataw sa Abril 24 sa The Arena sa San Juan.
Ang pinakatanyag sa grupo ay si Patcharee Sangmuang na dating team captain ng Thai national team na sumabak sa Southeast Asian Games, Asian Senior Women’s Championships, Asian Club Championships at Five World Grand Prix.
Ang 25-anyos na si Sangmuang, isa sa dalawang Thai players na makikita sa Shakey’s V-League sa unang pagkakataon, ay maglalaro alinman sa Letran o FEU.
Ang ikalawang baguhang Thai import ay si Pornpimol Kunbang na kakampanya para sa nagbabalik na University of Santo Tomas.
Muli namang maglalaro sa liga sina Jaroensri Bualee (San Sebastian), Lithawat Kesinee (Ateneo) at Areerat Sanorseang (FEU o Letran).
“The presence of Thai players is good for us in terms of experience,” wika kahapon ni Moying Martelino, chairman ng nag-oorganisang Sports Vision. “Besides, Thailand is known for its good volleyball program.”
Isang Invitational tournament ang ilalatag din ng Sports Vision sa Nobyembre kung saan iimbitahan nila ang mga koponan ng Thailand, Vietnam, Myanmar at Malaysia.