MANILA, Philippines - Ang pagbabalik ni Thai import Lithawat Kesinee bukod pa sa mga beteranong sina Alyssa Valdez at Fille Cainglet ang nagbibigay tibay sa pagnanasa ng Ateneo Lady Eagles sa matagumpay na pagdepensa sa hawak na titulo sa Shakey’s V-League na magbubukas ang ninth season sa Abril 24 sa The Arena sa San Juan.
Sina Dzi Gervacio, Jem Ferrer, Gretchen Ho at Denden Lazaro ang iba pang aasahan ni coach Roger Gorayeb na winalis ang Adamson sa finals noong nakaraang season.
Bukod sa mga manla-larong ito ay nasa koponan din ang humuhusay na sina Aillysse Nacachi at Ella de Jesus bukod pa kina Bea Tan, Mona Bagatsing, Tash Faustino, Mae Tajima at Sarah Cruz.
Puspusang nagsasanay ngayon ang Lady Eagles dahil mas titindi ang bakbakan sa kompetisyong inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.
Isa na sa magpapahirap sa nagdedepensang kampeon ay ang pagbabalik ng UST na balak ipagpatuloy ang pagdodomina na kanilang ginagawa sa liga.
Ang Lady Tigresses ang may pinakamaraming titulong napanalunan na anim at napantayan nila ang 3-peat na naunang ginawa ng namamahingang La Salle nang nakatatlong sund noong 2010.
Nakagawa ng ganitong marka ang Lady Archers noong 2005-06 season.
Ang iba pang koponan na magtatangkang pigilan ang Lady Eagles ay ang NCAA champion University of Perpetual Help System Dalta, FEU, National University, dating kampeon San Sebastian at Letran.
Kasali rin ang mga Visayan teams na University of St. La Salle Bacolod at Southwestern University para umabot sa 10 koponan ang magtatagisan.
Agad na masusukat ang lakas ng Ateneo sa unang araw ng torneo dahil katunggali ng Ateneo ang FEU sa alas-4 ng hapon.
Unang magtatagisan ang Letran at San Sebastian na mapapanood matapos ang simpleng opening ceremony.