3 bronze sa SMART/Phl jins
MANILA, Philippines - Tatlong taekwondo jins ng SMART/Philippines ang kumuha ng bronze medals sa katatapos na World Junior Taekwondo Championships sa Sharm El Sheikh sa Egypt.
Ang tatlong kumolekta ng mga tansong medalya sa kani-kanilang weight division ay sina Keno Anthony Mendoza (-59-kilogram), Aaron James Galita (-45kg) at Mathew Padilla (-48kg).
Ito ang unang medalya ng bansa sa nasabing torneo matapos ang apat na taon. Ang mga huling Filipino medalist ay si Jyra Marie Lizardo noong 2008 sa Turkey.
“Our fighters displayed brilliant skills and courage against competitors from 89 other countries. They deserved to win,” sabi ni team delegation at Philippine Taekwondo Association vice president Sung Chon Hong.
Ginitla ni Galita si world number one Hyeok Yu via superiority sa quarterfinals matapos ang sudden death fourth round na nagtapos sa 0-0 tie.
Tinalo rin ni Galita si Cyprus bet Pantelis Dirnou, 8-2, at Thailand pride Ramnarong Sawekwiharee, 3-0, sa sudden death fourth round bago nakatikim ng isang 2-8 kabiguan sa semifinals laban kay Seyed Tabari ng Iran na natalo naman kay Russian Borris Krasnov sa finals para sa gold medal.
Ginapi naman ni Padilla ang kanyang Korean rival, 21-11, sa eliminations kasunod sina Russian Sergey Zemtsov, 11-7, Brazilian Adriano Junior, 9-4, at German Yorulmaz Mehmet-Akif, 8-7, para sa bronze medal.
Si Iranian Abolfazl Jouybari ang tumalo kay Padilla sa semifinals.
- Latest
- Trending