PBA kinuha ang serbisyo ng ex-Olympian
MANILA, Philippines - Isang dating Olympic gold medalist at world champion mula sa Indonesia ang magsisimulang gumabay sa Philippine badminton team.
Kinuha nina Philippine Badminton Association (PBA) Vice-President Jojo Binay at chairman Manny V. Pangilinan ang 44-anyos na si Rexy Mainaky bilang national head coach.
Si Mainaky ay bahagi ng koponan ng Indonesia na kumuha sa doubles gold medal sa 1996 Atlanta Olympics at sa 1995 World Championships sa Lausanne.
Siya ay tatanggap ng suweldong $12,000 (halos P500,000) kada buwan mula sa PBA.
Bukod pa sa kanyang monthly salary, pag-aaralin din ang dalawang anak ni Mainaky sa isang British school sa Maynila at maninirahan sa isang P100,000-a-month condominium unit.
Hindi kasama ang badminton sa priority list ng Philippine Sports Commission matapos mabigong makapag-uwi ng medalya mula sa mga sinalihang international competitions.
Nagbabayad ang PSC sa mga foreign coaches ng halos $2,500 a month.
Sina Kennevic at Kennie Asuncion at Weena Lim, nakapaglaro sa 2000 Sydney Olympics, ang dating nagbibigay ng medalya sa bansa mula sa Southeast Asian Games.
- Latest
- Trending