MANILA, Philippines - May pangamba man dulot ng posibleng pagbagsak ng pira-pirasong parte sa North Korea rocket na inaasahang inilunsad sa kalawakan kahapon, hindi naman nito mapipigil ang paglarga ng 2012 Le Tour de Filipinas na magsisimula bukas sa Sta. Ana, Cagayan.
Lahat ng 11 dayuhang koponan at 5 local teams ay nasa Cagayan na at hinihintay na lamang ang official flag-off para tumakbo na ang apat na araw na karera sa bisikleta na handog ng Air21 sa tulong ng Smart, Foton at Jinbei.
“Everything’s a go and we are all ready to get this race on the road,” wika ni Gary Cayton ang pangulo ng nag-oorganisang Dynamic Outsource Solutions, Inc.
Naunang dumating sa hanay ng bisitang koponan ang Dutch Global mula Netherlands na lumapag kamakalawa para mas makasanayan ang mainit na panahon na kahapon ay pumalo sa 35 degrees Celcius.
Ang iba pang dayuhan tulad ng mga continental teams na CCN na mula rin ng Netherlands, Aisan Racing Team ng Japan, OCBC ng Singapore, Uzbekistan Suren ng Uzbekistan, Action ng Chinese-Taipei at ang malakas na TPT o Tabriz Petrochemical ng Iran, bukod pa sa mga club teams na Plan B ng Australia, Pure Black Racing ng New Zealand, Colossi Miche ng Indonesia at Indonesia national team ay nakarating na rin.
Isama pa sa mga nagpapahinga na ngayon sa Cagayan ang mga local teams na Smart-PhilCycling national team, Air21, Mail And More, LPGMA-American Vinyl at Kia.
“Unknown to many, cycling is the world’s no. 2 sport next to football in terms of viewership. Part of Smart’s commitment to sports is to support the Philippine cycling team with the hope that we become a world class cycling country,” wika ni Smart Division Head ng Wireless Consumer na si Noel Lorenzana.
Darating ngayon ang godfather ng Philippine Cycling at si Air21 chairman Bert Lina upang samahan si Cagayan Congressman Jackie Enrile sa gagawin ng huli na welcome dinner.
Bukas ay magkasama rin ang dalawa para sa pagsisimula ng Stage One na isang 155-kilometrong tagisan mula Sta. Ana hanggang Tuguegarao.