MANILA, Philippines - Magkakaroon ng boses ang Pilipinas sa Asian Boxing Confederation (ASBC) nang ilagay ang pangulo ng Amateur Boxing Association of the Philippines Ricky Vargas bilang Honorary Vice President sa isinagawang Extraordinary General Assembly noong Martes sa Rixos President Hotel sa Astana, Kazakhstan.
Umabot sa 28 bansa ang dumalo sa pagpupulong at walang tumutol sa mga dumalo sa pagnombra kay Vargas ni ASBC president Gofur Rakhimov ng Uzbekistan.
Pabor ang international body na AIBA sa nasabing aksyon ng ASBC dahil agad na binati si Vargas ni AIBA president Dr. Ching Kuo Wu ng Chinese-Taipei.
“He is a man of stature who will surely be a great asset to the international boxing family,” wika ni Dr. Wu.
Kasabay nito ay itinalaga rin ng ASBC ang Pilipinas na siyang magiging punong abala sa Asian Youth Boxing Championships na gagawin sa Setyembre.
Hindi bumababa sa 20 bansa ang sumasali sa kompetisyong bukas sa mga kalalakihang boksingero na edad 18-anyos pababa.
Ito ang lalabas na kauna-unahang pinakamala-king international boxing event na may basbas ng AIBA sa panunungkulan ni Vargas at Manny V. Pangilinan na siyang chairman ng ABAP.
Pinasalamatan ni Vargas ang pagtitiwala na ibinigay sa Pilipinas at nangakong gagawin ang lahat para maging memorable ang hosting na ito.
Bukod kay Vargas ay dumalo rin sa General Assembly mula sa ABAP sina secretary-general Patrick Gregorio at executive director Ed Picson.