MANILA, Philippines - Dahil sa magandang ipinakita sa AFC Challenge Cup na kung saan ang Azkals ay tumapos sa ikatlong puwesto, ang Pilipinas ngayon ay nasa ika-148th sa world ranking na siyang pinakamataas sa kasaysayan ng bansa.
Hinigitan nito ng isang puwesto ang dating pinakamagandang 149th puwesto noong 2010 at nangyari ito matapos umani ng 182 puntos ang pambansang koponan matapos ang AFC Challenge Cup sa Nepal noong nakaraang buwan.
Mismong ang international football federation na FiFA ay kinilala ang magandang nagagawa ng Pilipinas sa larong itinalaga bilang number one sa mundo.
Umabot sa 24 na laro ang sinuri ng FiFA na nangyari sa buwan ng Abril at kasama rito ang tagisan sa AFC Challenge Cup na kung saan ang Pilipinas ay nagtala ng tatlong panalo kasama ang 4-3 tagumpay sa Palestine para itala ang makasaysayang ikatlong puwestong pagtatapos.
Dahil dito, umangat ang Pilipinas ng walong baytang sa rankings mula sa dating kinalulugarang 156th puwesto.
Ang nagkampeon na North Korea at pumangalawang Turkmenistan nasa ika-86th ngayon ay umangat ng 25 puwesto habang ang Turkmenistan ay nasa 142nd place o 24 puwestong mas mataas bago ang AFC Cup.