Game 1 sa Llamados
MANILA, Philippines - Mula sa masiglang first period hanggang sa malamyang paglalaro sa second half.
Sinamantala ng B-Meg ang mga mintis at sinayang na bola ng Barangay Ginebra para ilista ang 82-67, panalo sa Game One ng kanilang best-of-five semifinals series para sa 2012 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Nagbida sina import Jackson Vroman, Mike Cortez at Rudy Hatfield sa first quarter kung saan nagposte ang Gin Kings ng isang 15-point lead, 23-8, sa pagbungad ng second period hanggang kumamada ang Llamados para agawin ang 33-29 abante sa halftime.
Naghulog ang B-Meg ng isang 17-4 bomba galing kina import Denzel Bowles, James Yap, Rafi Reavies at Josh Urbiztondo upang itala ang isang 17-point advantage, 50-33, sa 7:18 ng third quarter.
Ganap na nawala sa laro ang Ginebra nang mapatawan ng Flagrant Foul 1 si Vroman mula sa pagtulak niya sa mukha ni Yancy De Ocampo kung saan sila nabaon sa 42-63 sa 11:45 ng final canto.
Tuluyan nang sinelyuhan ng Llamados ang kanilang tagumpay buhat sa basket ni Marc Pingris para iwanan ang Gin Kings sa 74-49 sa huling 6:25 ng laro.
Samantala, mula sa kanilang 84-77 panalo sa Game One, alam ni Barako Bull head coach Junel Baculi na babawi ang nagdedepensang Talk ‘N Text sa Game Two ng kanilang semifinals series.
Magtatagpo ang Energy at Tropang Texters ngayong alas-6:45 ng gabi sa kanilang best-of-five semifinals showdown para sa 2012 PBA Commissioner’s Cup sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
B-Meg 82 -- Bowles 21, Simon 13, Yap 9, De Ocampo Y. 9, Devance 9, Urbiztondo 6, Reavis 5, Pingris 4, Intal 4, Villanueva 2, Barroca 0.
Barangay Ginebra 67 -- Vroman 10, Labagala 10, Hatfield 8, Villanueva 8, Cortez 7, Helterbrand 6, Canaleta 6, Ababou 5, Wilson W. 4, Wilson J. 2, , Raymundo 1, Mamaril 0.
Quarterscores: 8-21; 33-29; 60-42; 82-67.
- Latest
- Trending