MANILA, Philippines - Karapatang katawanin ang Asia sa 2012 Grand Prix sa Great Britain ang isa sa mga magpapainit sa mga kasali sa itatakbong FIM Asian Motocross Championship sa Puerto Princesa mula Abril 14 at 15.
Sa Asian MX2 category nakataya ang insentibong ito at ang Grand Prix ay gagawin sa Matterly Basin, Winchester, United Kingdom sa Agosto. Nangyari ito matapos mapapayag ang Youthstream na siyang promoter ng FIM world motocross championship.
“We are happy to announce that Youthstream, the promoter of the FIM world motocross championship has agreed to accept the top Asian rider as a wild card entry in the British Motocross GP,” ani International Motorcycling Federation (FIM) Asia at National Motocycle Sports and Safety Association (NAMSSA) president Macky Carapiet.
Inaasahang sasali ang nagdedepensang Asian MX2 champion na si Arnon “Turbo” Theplib ng Thailand habang ang mga hahamon ay sina Tomoya “Kamikaze” Suzuki ng Japan, Khaliunbold Erdenebileg ng Mongolia at mga Filipino riders na sina 4-time Philippine National Motocross Rider of the Year Kenneth San Andres at ang walang kupas na si Jovie Saulog.
Ang Sta. Monica Motocross Speedway sa Puerto Princesa City ang gagamiting lugar sa dalawang araw na karera sa motorsiklo na suportado rin ni Mayor Edward S. Hagedorn at ang iba pang kategoryang paglalabanan ay ang Junior 85 at Veterans.
Si Mark Reggie Flores ng San Pablo City ang nagdedepensang kampeon sa Asian Junior 85 division.
Suportado ng Asia Brewery, Shakeys, Polisport, Kia Palawan, Repsol, the Department of Tourism Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission, kasama rin sa masisilayan ay ang labanan sa 3rd leg ng 2012 NAMSSA National Motocross Development Program.