MANILA, Philippines - Konsentrasyon at team- work ang dapat na bitbitin ng mga siklista upang maalpasan ang mapanghamong Stage four sa gaganaping 2012 Le Tour de Filipinas.
Ang nasabing ruta na tatapos sa apat na araw na karerang handog ng Air21 ay ang Bayombong City hanggang Burnham Park sa Baguio City na dadaan sa Cordilleras at katatampukan ng dalawang King of the Mountain na may taas na mahigit na 5,000 talampakan.
“Ibang-iba,” wika ni national coach Norberto Oconer na siyang didiskarte sa Smart-PhilCycling team na isa sa limang local teams na kasali sa karerang may ayuda rin ng Smart, Jinbei at Foton.
“Matinding preparasyon, konsentrasyon at teamwork ang dapat na gawin,” dagdag pa nito.
Ang iba pang local coaches na sina Johnny Borja ng Go21, Renato Dolosa ng LPGMA/American Vinyl, Neil Barlis ng Mail and More at Bernardo Llentada ng Kia ay sumusuporta sa pananaw ni Oconer at magkakaisa rin sa paniniwalang sa huling stage magkakaalaman kung sino ang hihiranging kampeon.
May ayuda rin ng WetShop, Airphil Express at dzRH, magsisimula ang tagisan sa Abril 14 na isang 155-km karera mula Sta. Ana, Cagayan hanggang Tuguegarao City.
Ang day two ay Tuguegarao hanggang Cauayan Isabela na isang 110-km distansya at ang Stage three ay Cauayan hanggang Bayombong na tatakbo ng 102-kilometro.
May KOM din sa Stage Three pero hindi ito kasing-tarik kumpara sa ahunan sa last stage.
Ang limang local teams ay sasamahan ng 12 dayuhang koponan, pito rito ay mga continental teams na lalahok sa ikatlong taon ng LTDF na natatanging bike race sa bansa na may basbas ng international cycling body na UCI.