Texters ayaw magkumpiyansa
MANILA, Philippines - Halos isang araw lamang ang ipinahinga ng Barako Bull kumpara sa dalawang linggong pagpapakondisyon ng No.1 at nagdedepensang Talk ‘N Text para sa kanilang paghaharap sa best-of-five semifinals series ng 2012 PBA Commissioner’s Cup.
Ngunit hindi nangangahulugan na may bentahe sa serye ang Tropang Texters, ayon kay coach Chot Reyes.
“We will be coming off a rest but they will have the advantage of game sharpness,” sabi ni Reyes sa Energy na nagpatalsik sa Alaska Aces, 2-1, sa kanilang best-of-three quarterfinals showdown.
Magtatagpo ang Talk ‘N Text at ang Barako Bull sa Game One ng kanilang semifinal wars ngayong alas-6:45 gabi sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Maghaharap naman ang No. 2 Barangay Ginebra at B-Meg, sinibak ang Meralco, 2-1, sa kanilang quarterfinal duel, sa kanilang series opener bukas ng alas-6:45 ng gabi sa naturang venue.
Asam ng Tropang Texters na maging ikatlong koponang nakapagdepensa ng PBA Commissioner’s Cup matapos ang San Miguel Beer (1999-2000) at Red Bull (2001-02).
Ito ang ikalawang pagkakataon na magsasagupa sa semifinals ang Talk ‘N Text ni Reyes at ang Barako Bull, dating kilalang Air21, matapos noong 2011 PBA Commissioner’s Cup kung saan winalis ng Tropang Texters ang Express sa serye.
Tinalo ng Talk ‘N Text ang Barako Bull sa overtime, 113-106, sa kanilang pagkikita sa elimination round sa Cuneta Astrodome noong Marso 9.
Sa nasabing kabiguan ng Energy, kumabig si Rodney White, pinalitan ni two-time PBA Best Import Gabe Freeman sa huling dalawang laro sa quarterfinals, ng conference-high 42 points.
Sa kanyang dalawang laro sa quarterfinals kontra sa Aces, nagposte ang 6-foot-4 na si Freeman ng mga averages na 28.0 points, 18.0 rebounds at 3.0 assists.
- Latest
- Trending