Goodbye Olympics kay Ladon
MANILA, Philippines - Bumigay si bantamweight Joegin Ladon sa huling round sa laban nila ni Zhang Jiawei ng China upang lasapin ang 8-13 kabiguan sa bantamweight bout sa idinadaos na Asian Olympic Qualifying Championships sa Astana, Kazakhstan.
Mas naging agresibo si Zhang, ang silver medalist sa Guangzhou Asian Games, kontra sa 31-anyos na si Ladon sa ikatlo at huling round para kunin ang 6-2 iskor at mabalewala ang naunang dikitang labanan.
Nagtabla ang dalawang boksingero sa unang round sa 4-4, at bahagyang nakauna si Zhang sa second round sa, 3-2, para sa kabuuang 7-6 iskor.
Pero lumamya ang laban ni Ladon upang masama siya sa hanay nina Rey Saludar, Dennis Galvan at Wilfredo Lopez na namahinga na sa torneong magdede-termina kung sino ang huling mga Asian boxers na ma-kakapaglaro sa London Olympics.
Si Charly Suarez na lamang ang pag-asa ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) para madagdagan ang natatanging entrada ng bansa sa Olympics sa pagsalang niya kontra kay Abdlay Anarbai Uulu ng Kyrgyzstan sa second round ng lightweight division.
- Latest
- Trending