7 continental teams papadyak sa Le Tour
MANILA, Philippines - Pitong continental teams at isang banyagang national team ang mga isinahog sa 2012 Le Tour de Filipinas upang patuloy na maipagmalaki na ang pakarerang ito ang isa sa mga umaani ng magandang reputasyon sa larangan ng cycling sa mundo.
Handog ng Air21 at suportado ng Smart, Foton at Jinbei, ang apat na araw na karera na sisimulan sa Abril 14 ay lalahukan ng mga continental teams na CNN ng Netherlands, Asian Racing Team ng Japan, OCBC ng Singapore, Suren ng Uzbekistan, Giant Kenda/RTS at Action ng Chinese Taipei at ang itinuturing na team to beat na TPT o Tabriz Petrochemical ng Iran. Isama pa ang Indonesia National team, ang ikatlong edisyon ng LTDF ang pinakamabigat kung tagisan ng mga koponan ang pag-uusapan.
Taong 2010 nang unang ilarga ang LTDF at tig-limang continental teams lamang ang sumali rito.
Sa alituntunin ng international cycling body na UCI, kailangang magkaroon ng hindi bababa sa limang continental teams ang isang multi-stage race para maikalendaryo sa isang continental tour. Ang LTDF ay kasali sa Asia Tour.
May apat na iba pang dayuhang koponan ang kasali at ang mga ito ay ang Dutch Global ng Netherlands, Plan B ng Australia, Pure Black ng New Zealand, Colossi Miche ng Indonesia.
Binigyan din ng ayuda ng WetShop, Maynilad, Nague Malic Magnawa & Associations Customs Brokes, Wow Videoke, UBEMedia, IWMI, Airphil Express at dzRH, ibabandera ang laban ng Pilipinas ng Smart-PhilCycling national team bukod pa ng Mail And More, Go21, American Vinyl/LPGMA at Kia.
Ang karerang inorganisa ng Dynamic Outsource Solutions, Inc. (DOS-1) ay sisimulan sa pamamagitan ng isang 155-kms karera mula Sta. Ana hanggang Tuguegarao City sa Cagayan.
Isusunod dito ang 110-km Stage Two mula Tuguegarao hanggang Cauayan City bago ilarga ang isang 102-km karera mula Cauayan hanggang Bayombong City na Stage 3.
Magtatapos ang tagisan sa mapanghamong Stage Four na 153-km karera mula Bayombong hanggang Burnham Park sa Baguio City na dadaan sa tinaguriang Northen Alps sa Cordillera.
Ang Philippine National Cycling Association (PNCA) sa pangunguna ni dating Tour champion at Eagle of the Mountain Paquito Rivas ang mangangasiwa sa karera na binasbasan din ng PhilCycling sa pamumuno ni Tagaytay City Mayor Abraham Tolentino.
“It is not very easy to organize a multi-stage road race, and having it sanctioned by the UCI for that matter. But because of the vision of Dos-1, the cycling world would be focusing on the Philippines for four days in April, thus keeping the flames burning for the annual summer sports spectacle that the Filipino fan has enthusiastically followed for more than half a century now,” wika ni Tolentino.
- Latest
- Trending