Huey-Gonzales duo wagi, Pinoy Cuppers sa Finals
MANILA, Philippines - Nagbunga agad ang unang tambalan sa doubles nina Fil-Ams Treat Huey at Ruben Gonzales nang ibigay sa Pilipinas ang 6-1, 6-4, 6-2, tagumpay laban kina Jalil at Aqeel Khan kahapon upang pagharian na ang isinasagawang Asia-Oceania Zone Group II Davis Cup semifinals tie sa Philippine Columbian Association shell courts sa Plaza Dilao, Paco, Manila.
Tila mga beterano kung maglaro sina Huey at Gonzales nang kanilang ma-break ang magkapatid na Khan ng apat na beses habang napanatili naman ang kanilang serves sa kabuuan ng laban upang matuwa ang mga nagsipanood.
Ito ang ikatlong laro sa best-of-five tie at ang host country ay nagtala na ng 3-0 karta para umabante sa Finals na gagawin mula Setyembre 14 hanggang 16.
Naunang ibinigay ng beterano at hari ng PCA clay court na si Johnny Arcilla ang 1-0 kalamangan nang talunin si Aqeel, 6-2, 6-2, 6-3, bago sumunod si Huey na inangkin ang 6-1, 6-0, 6-3, panalo kontra kay Yasir Khan na nangyari sa opening singles noong Biyernes.
“Without Aisam Qureshi, we really want to make it 3-0,” wika ni non-playing team captain Roland Kraut.
Tatapusin ang tatlong araw na tagisan ngayon sa dalawang reversed singles na paglalabanan na lamang sa best-of three-series.
Unang sasalang si Francis Casey Alcantara laban kay Aqeel sa ganap na alas-10 ng umaga bago tapusin ni Arcilla ang laban kontra kay Yasir.
Sa third game ng first set na-break nina Huey at Gonzales ang katunggali tungo sa madaling 6-1 panalo.
Sinikap ng mga Khans na bigyan ng mas magandang laban sa second set ang host country at nagawa nila hanggang sixth game nang magkatabla pa ang dalawang panig.
Pero bumigay ang mga Pakistani sa seventh game dala ng mga unforced errors para sa mahalagang break tungo sa panalo.
- Latest
- Trending