MANILA, Philippines - Mataas ang paniniwala ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) na madadagdagan pa ang pambansang boksingero na lalaro sa London Olympics.
Sina flyweight Rey Saludar, bantamweight Joegin Ladon, lightweight Charly Suarez, light welterweight Dennis Galvan at welterweight Wilfredo Lopez ang mga tinapik ng ABAP upang siyang magtangka na makakuha ng puwesto sa Olympics sa idaraos na Asian Olympic Qualifying tournament sa Astana, Kazakhstan mula Abril 5 hanggang 13.
Sa ngayon ay si light flyweight Mark Anthony Barriga pa lamang ang opisyal na naipasok ng Pilipinas sa London Games nang tumapos sa ikatlong puwesto ang 18-anyos na boksingero sa World Amateur Boxing Championships sa Baku, Ajerbaijan noong nakaraang taon.
Mas magaan ang rutang tatahakin patungong London ni Asian Games gold medalist Saludar at 26th SEA Games gold medalist Dennis Galvan dahil apat na boksingero ang kukunin sa kanilang dibisyon.
Mangangahulugan na kailangan lamang nilang umabot ng semifinals para makalaro sa Olympics.
Si Suarez ang may pinakamabigat na misyon dahil ang gold medalist lamang sa 60-kilogram division ang uusad sa London.