MANILA, Philippines - Dininig ng NCAA Policy Board ang apela ng San Beda patungkol sa kaparusahan na ipinalabas sa kanilang manlalaro matapos ang nangyaring kaguluhan sa pagitan ng Red Lions at San Sebastian women’s volleyball team sa San Beda Gym noong nakaraang taon.
Sa pagpupulong kahapon ng board sa Letran sa pangunguna ni NCAA President at Letran Rector/President Rev. Fr. Tamerlane R. Lana O.P., ay nagdesisyon ang grupo na bawasan sa isang laro ang naunang ipinataw na two-game suspension kina Kyle Pascual, Jake Pascual, Jaypee Mendoza, Rysie Koga, Rome dela Rosa, Jose Carmelo Lim, Baser Amer at Antonio Caram.
“The board has reconsider the penalty imposed on San Beda and the eight players who were given two games suspension is reduced to one game but they will have to issue an letter of apology for the incident. Ang Management Committee naman ang magdedesisyon kung paano nila ise-serve ang one game suspension kung sino ang mga unang hindi maglalaro,” wika ni Fr. Lana.
Si Dave Marcelo na binigyan ng tatlong game suspension at sina Garvo Lanete at Sudan Daniel na may two-game suspension ay tutubusin ng San Beda sa pagbayad ng fine na tig-P15,000 dahil ang mga ito ay hindi na makakapaglaro sa Season 88th.
Wala namang aksyon ang ginawa kina foreigners Olaide Adeogun at Julius Armon na ban sa loob ng isang taon dahil hindi pa eligible players ang mga ito.
“Hiniling ng San Beda na gawing three-game suspension na lamang ang one-year ban pero hindi ito inaksyunan dahil ang penalty na ibinigay ay dahil mga spectators pa lamang sila at hindi pa mga players. Kung sakaling pumasa ang mga ito sa eligibility screening sa June at maging players na ng San Beda, saka ito aaksyunan ng board,” paliwanag ni Fr. Lana.
Idinagdag pa ni Fr. Lana na hindi pa umaapela ang San Sebastian patungkol sa ipinataw ding 2-year ban kay Lady Stags volleyball coach Roger Gorayeb.
Maliban sa San Beda, San Sebastian at St. Benilde na nagpadala ng kinatawan, ang pitong iba pang koponan ay kinatawan sa pagpupulong ang kani-kanilang school Presidents.
Samantala, nagsimula na kahapon si Ronnie Magsanoc sa kanyang pagiging bagong head coach ng San Beda sa ginawang unang practice session sa koponan.
Isinama ni Magsanoc sina Benjie Paras, Patrick Fran, Boyet Bautista at Xavier Nunag na inaasahang kukunin bilang kanyang mga assistant coaches.
Nakasama rin sa pagsasanay ang mga dating assistant ng nagbitiw na champion coach Frankie Lim na sina Mark Jomalesa, Jayvie Sison at Boni Garcia.
“Everything was smooth in the practice and I’m ready to buckle down to work,” wika ni Magsanoc na unang masasalang sa Fil-Oil Tournament.