MANILA, Philippines - Ang pananatiling katabla sa liderato ang nakataya para sa Cebuana Lhuillier sa 2012 PBA D-League Foundation Cup ngayon sa San Juan Arena.
Katunggali ng Gems ang Big Chill sa tampok na laro sa alas-4 ng hapon at ang mananalo ay makakasungkit ng ikatlong sunod na panalo.
Parehong nasa two-game winning run ang Gems at Super Chargers pero nauna ng natalo ang huli para malagay sa ikatlong puwesto kasalo ang pahingang Blackwater Sports.
Balak naman ng Jr. Powerade na makabangon matapos ang 53-86 pagkadurog sa mga kamay ng back-to-back defending champion NLEX sa huling laro sa pakikipagtipan sa bagitong Cagayan Rising Suns sa alas-2 ng hapon.
Paborito ang tropa ni coach Ricky Dandan dahil ang Suns na patuloy na hahawakan ni Francis Rodriguez ay hindi pa nakakatikim ng panalo matapos ang magkasunod na laro.
Galing ang Gems sa 70-58 at 84-72 panalo laban sa Boracay Rum at Café France sa kanilang unang dalawang laro at kahit impresibo ang tropa ni coach Luigi Trillo, alam naman ng beteranong coach na sa Super Chargers sila tunay na masusukat.
Matapos matalo sa NLEX, 70-80, ay kumubra ng magkadikit na panalo ang Big Chill sa Café France (74-73) at sa Cagayan Rising Suns (98-66) na nangyari sa pagdadala ni Robert Sison.