MANILA, Philippines - Habang nagrerelaks ang mga semifinalists nang Talk ‘N Text at Barangay Ginebra, apat na koponan naman ang mag-aagawan para sa dalawa pang semifinals berth.
Magtatagpo ang No. 3 B-Meg at ang No. 6 Meralco ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng No. 4 Alaska at No. 5 Barako Bull sa alas-4:15 ng hapon sa kani-kanilang best-of-three quarterfinals series para sa 2012 PBA Commissioner’s Cup sa Smart-Araneta Coliseum.
Ang nagdedepensang Tropang Texters ang umangkin sa No. 1 ticket, habang napasakamay ng Gin Kings ang No. 2 seat matapos talunin ang Llamados, 93-84, sa kanilang playoff game noong Biyernes.
Ang mananalo sa quarterfinals series ng Alaska at Barako Bull ang sasagupa sa Talk ‘N Text sa best-of-five semifinals wars, samantalang ang mananaig sa pagitan ng B-Meg at Meralco ang makakalaban ng Ginebra.
Tinalo na ng Llamados ang Bolts, 96-93, at binigo ng Energy ang Aces, sa kani-kanilang unang pagtatagpo sa pagbubukas ng torneo noong Pebrero 10.
“It’s all about bouncing back and refocusing,” sabi ni B-Meg head coach Tim Cone sa nasabing pagyukod nila sa Ginebra.”
Ito ang rematch ng B-Meg at Meralco makaraang manaig ang Llamados, 2-0, sa kanilang best-of-three quarterfinals showdown sa 2012 PBA Philippine Cup.
Sa unang laro, ipaparada naman ng Barako Bull ang bagong import na si 6-foot-10 Chukwunike ‘Reggie’ Okosa na pumalit kay Rodney White, umuwi sa United States kamakailan para makasam a ang ama niyang may malubhang karamdaman.
Nanguna si White sa scoring sa torneo mula sa kanyang 29.8 points per game average para sa Energy ni Junel Baculi. Nagtala din siya ng mga averages na 13.2 rebounds, 5.8 assists at 1.2 steals.
Para naman makasagupa sa quarterfinals ang Barako Bull, kinailangang talunin ng Meralco sa playoff ang Powerade, 102-98, noong Biyernes.