Mamiit 'di makakalaro sa Phl Davis Cup team vs Pakistan
MANILA, Philippines - Pagdating ng mas magandang oportunidad ang nagtulak kay Cecil Mamiit upang iwanan muna ang Philippine Davis Cup team na lalaban sa Pakistan sa Abril 6 hanggang 8 sa Philippine Columbian Association (PCA) shell court.
“He informed me that he will not be part of the team because of new opportunities that came in,” wika ni Philippine Davis Cup administrator Randy Villanueva.
Si Mamiit ang siyang iniluklok na non-playing team captain nang hinarap ng Pilipinas at tinalo ang Pacific Oceania na nilaro noong nakaraang buwan sa Iriga City.
Ang 35-anyos na Fil-Am ay balak ding iupo sa nasabing puwesto sa tie na ito at ngayon ay papalitan ni Chris Cuarto.
Pumasok si Mamiit sa Davis Cup noong 2006 at naglaro sa 20 sunod na tie at nagtala ng 16 panalo sa 29 laro sa singles at 9 panalo sa 16 laban sa doubles.
Si Cuarto ay dati nang naupo bilang non-playing team captain at sasandalan niya sa mahalagang laban na ito sina Treat Huey, Ruben Gonzales, Johnny Arcilla at ang nagbabalik na si Francis Alcantara na humalili sa injured na si Jeson Patrombon.
Semifinals ito sa Asia Oceania Zone Group II Davis Cup Tie at ang mananalo ay aabante sa finals sa Setyembre laban sa mananalo sa pagitan ng Indonesia at Thailand.
- Latest
- Trending