MANILA, Philippines - Ipagkakatiwala ng San Beda ang kampanya para sa ikatlong sunod na titulo sa NCAA men’s basketball sa kanilang dating manlalaro na si Ronnie Magsanoc.
Ang 45-anyos na tinaguriang Point Laureate sa PBA ay suportado ng mga San Beda alumni upang siyang pumalit sa puwestong iniwan ni Frankie Lim.
Si Lim na inilagay bilang head coach noong 2007 at nanalo ng apat na titulo kasama ang makasaysayang 18-0 sweep, dalawang season na ang nakaraan, ay nagbitiw noong Martes upang tapusin ang kontrobersya matapos patawan ng 2-year ban ng NCAA Policy board nang nakipagsuntukan kay San Sebastian women’s volleyball mentor Roger Gorayeb sa San Beda Gym noong nakaraang taon.
Ang number one supporter ng Lions na si Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan ay sang-ayon din sa hakbang na ito dahil si Magsanoc na dating manlalaro sa Red Cubs ay kasalukuyang assistant coach sa kanyang pag-aaring koponan na Meralco Bolts sa PBA.
Naunang pangalan na naging matunog ay sina assistant coach Ed Cordero, Jamike Jarin na assistant coach ng Ateneo at si Dindo Pumaren na naisuot din ang uniporme ng Red Cubs.
Bukod sa suporta ng mga alumni, ikinonsidera rin ang matagumpay na basketball career ni Magsanoc na kabilang din sa 25 Greatest Player ng Philippine Basketball Association.
Tikom naman ang bibig ng mga opisyales ng San Beda hinggil rito at ayon kay NCAA MANCOM Representative Jose Mari Lacson ay anumang araw mula ngayon ay magpapalabas ng opisyal na pahayag ang paaralan hinggil sa bagay na ito.
Bago nakuha sa Bolts, si Magsanoc, na pinagkampeon ang UP sa UAAP noong 1986 kasama sina Benjie Paras at Eric Altamirano, ay naupo rin bilang assistant coach sa Purefoods Tender Juicy Giants.
Ang kanyang malawak na karanasan bilang manlalaro at assistant coach ay tiyak na makakatulong para sa asam na tagumpay ng Red Lions.