Nasa warpath si Manny Pacquiao. Hindi dahil sa laban kay Timothy Bradley Jr., sa Hunyo 9, kundi dahil sa mga isyu tungkol sa pagbabayad niya ng buwis.
Ang kabalintinuan nito ay dati-rati itong si Pacquiao ay poster boy ng BIR…Hindi nga ba’t may komersyal pa siya noong 2009. Pero ngayon, hinahabol at idedemanda siya ng BIR dahil sa hindi pagbabayad ng buwis at hindi pagsusumite ng tax records noong 2010.
Sabi ni BIR Deputy Commissioner Lucita Rodriguez, ‘binalewala’ ni Pacquiao ang dalawang summons ng BIR na magsumite ng kinakailangang record para sa buwis. Sinabi ni Pacquiao na hindi siya maaring akusahan ng failure to obey summons dahil hindi naman niya natanggap ng personal ang subpoena kundi ibinigay sa taong hindi umano niya kilala.
Idedemanda pa nga ni Pacquiao itong BIR Regional Director na si Atty. Rosil Lozares. Pinaratangan ni Pacquiao si Lozares na hina-harass siya nito kaugnay sa pag-violate sa Section 266 ng National Internal Revenue Code o sa probisyon sa “failure to obey summons”. Ipinatatanggal pa ni Pacqiao itong si Lozares sa puwesto dahil sa hindi sumusunod ito sa plataporma ng gobyerno na “matuwid na daan.” Sabi pa ni Pacquiao baka maapektuhan ang kanyang mga international endorsements na nagkakahalaga ng milyun-milyong dolyar.
Nagtataka lamang ako kung bakit si Lozares o yaong mga opisyal ng BIR ang sisihin ni Pacquaio sa nangyayari sa kanya ngayon. Hindi naman sa pumapanig ako kay Lozares o sa BIR, (kahit ako ay naiinis din dahil ang laki ng buwis na aking binabayaran), pero simpleng dokumento lamang ang hinihingi ng BIR kay Pacquiao. Madaling maibigay ang dokumentong hinihingi ng BIR kung talagang nagbabayad ng sapat at tama ang isang inbidwal. Kahit sino ay maaaring magbigay nito, basta’t nagbabayad ng buwis.
Dahil sa simpleng paghingi ng dokumento (na hindi naibigay ng kampo ni Pacquiao) marami nang lumabas na isyu. Pero, ang dapat nating pagtuunan ay ano ba talaga ang isyu? Siyempre pa, ito ay ang hindi pagbibigay o pagkukumpleto ng mga hinihinging dokumento ng BIR kay Pacquiao.
Kung maibibigay ba ni Pacquiao ang hinihinging tax records noong 2010 ng BIR, maaayos ba ang isyu at hindi na mauuwi sa demandahan? Sa tingin ko ay positibo naman ang maaaring tugon dito.
Maging ang hiling ni Pacquiao na pagpapatanggal sa mga BIR officials na matapang na ginagawa lamang ang kanilang trabaho ay hindi natin sinasang-ayunan. Nataon lamang na may pangalan si Pacquiao at nang lumabas ang desisyon na sampahan ng demanda si Pacquiao ay sa panahon na siya ay nag-eensayo. Kung ang lahat ng matitinong opisyal natin ay matatakot na gawin kung ano ang nararapat sa itinakda ng batas, dahil sa ang makakalaban ay isang kilalang tao na nagbabantang idemenda sila, kawawa ang ating bayan.
Pero kung iisipin natin, hindi mangyayari ang mga ito kung sumusunod ang kinauukulan sa mga patakaran ng ating bayan. Hindi ba’t ang mga katulad natin na ordinaryong empleyado ay awtomatikong deducted agad ang tax, kaya nga wala tayong ligtas sa pagbabayad ng sapat at tamang buwis. Sana ay ganito lahat ng mga opisyal natin. Nagbabayad ng tama, sapat at nasa tamang panahon.
Bagama’t duda ako na makaapekto kay Pacquiao ang isyung ito sa laban niya kay Bradley, sigurado naman ako na ‘gagamitin’ ito ng kanyang kampo para ma-hype ang laban sa Hunyo. Kung talagang walang kasalanan si Pacquiao, pabayaan niya na korte ang mag-decide nito. At kung meron man siyang dapat na panagutan ay harapin niya ito na tunay na lalaki.
Unsolicited advice natin kay Pacquiao, huwag sanang paguluhin pa ang totoong isyu. Kung ang isang tao ay tunay na nagmamahal sa Diyos at bayan, hindi na kailangang bahiran pa ng putika ang isyu. Wala na sanang madamay na kung sino pa sa isyu na ito.