Texters Dumiretso Sa Semis

MANILA, Philippines - Tuluyan nang sinikwat ng Tropang Texters ang una sa dalawang outright semifinals ticket.

Ito ay matapos talunin ng nagdedepensang Talk ‘N Text ang talsik nang Petron Blaze, 107-80, sa pagtatapos ng elimination round ng 2012 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart-Araneta Coliseum.

Sa tagumpay ng Tropang Texters, nasa kanilang pang anim na sunod na semifinals appearance, pag-aagawan naman ng B-Meg Llamados at Ginebra Gin Kings ang ikalawang outright semis berth bukas ng alas-7:30 ng gabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Samantala, sa ikatlong sunod na pagkakataon ay muling sinandigan ng Gin Kings ang kanilang matibay na depensa para makakuha ng panalo.

Sa kabila ng pagpapaupo kay import Jackson Vroman sa kabuuan ng fourth quarter, nagawa pa rin ng Ginebra na protektahan ang kanilang 22-point lead sa huling anim na minuto para talunin ang Air21, 103-87, sa unang laro.

Ito ang ikatlong dikit na arangkada ng Gin Kings, nakahugot ng 19 points, 13 rebounds, 5 assists at 2 shotblocks kay Vroman, habang may 18 at 13 markers naman sina Mike Cortez at Mark Caguioa, ayon sa pagkakasunod.

Matapos kunin ang 26-25 abante sa first period, sumandig ang Gin Kings kina Vroman, Cortez at Caguioa sa second quarter upang itayo ang isang 12-point lead, 46-34, kontra sa Express sa 3:16 nito.

Saglit na nagkaroon ng tensyon nang magkagirian sina Ogie Menor ng Air21, nauna nang siniko si Vroman sa huling 45 segundo ng first half, at Ginebra team manager Allan Caidic sa halftime.

Sa third period, ipinoste ng Gin Kings ang isang 17-point advantage, 65-48, laban sa Express sa 7:46 nito mula sa isang three-point shot ni Cortez bago ipahinga si Vroman sa pagtatapos nito bitbit ang kanilang 78-67 lamang.

Inilista ng Ginebra ang malaking 22-point lead, 95-73, sa 6:38 ng final canto galing sa basket ni Rob Labagala para selyuhan ang kanilang panalo.

Ginebra 103 - Vroman 19, Cortez 18, Caguioa 13, Ababou 9, Raymundo 9, W. Wilson 8, Villanueva 8, Hatfield 8, Labagala 6, J. Wilson 3, Canaleta 2, Mamaril 0.

Air21 87 - Douthit 19, Jazul 19, Omolon 15, Sena 11, Ritualo 10, Hubalde 7, Isip 4, Escobal 2, Sison 0, Espiritu 0, Menor 0, Duncil 0.

Quarterscores: 26-25; 53-42; 78-67; 103-87.

Talk N Text 107 - Castro 19, Dillinger 16, Harvey 15, Alapag 11, Williams 10, Aguilar 9, Reyes 7, Fonacier 6, Carey 6, De Ocampo 5, Gamalinda 3.

Petron 80 - Mc Donald 20, Santos 16, Yeo 11, Miranda 11, Ildefonso 6, Guevarra 4, Tugade 4, Al-Hussaini 2, Reyes 2, Lanete 2, Cabagnot 2, Rizada 0.

Quarterscores: 26-21, 49-39, 82-63, 107-80.

Show comments