Isa pang laban kay Banal
MANILA, Philippines - Isa pang title defense sa suot na WBO Asia Pacific bantamweight title ang gagawin ni AJ Banal sa bandang Hulyo.
Ito ang balak ni ALA Promotions President at CEO Michael Aldeguer sakaling magdesisyon ang WBO champion na si Jorge Arce na manatili sa bantamweight division.
May plano kay Arce na idepensa ang kanyang bantamweight title bilang undercard sa magaganap na bakbakan sa pagitan nina Manny Pacquiao at Timothy Bradley sa Hunyo 9 sa Las Vegas.
Nauna nang inihayag ni Arce ang pagnanais na sukatin si Filipino Flush Nonito Donaire Jr. para sa kanyang WBO super bantamweight title na kung matutuloy ay gagawin sa bandang Setyembre o Oktubre.
Si Donaire na naunang naghari sa IBF flyweight at WBC/WBO bantamweight, ay magdedepensa ng korona kontra kay Christian Mijares sa Hulyo 14 sa Texas.
“If Arce doesn’t move up, we hope to fight him. We will have Banal defend the WBO Aspac title in Manila,” wika ni Aldeguer.
Kung sakaling umakyat na ng tuluyan ang Mexican champion, isasabak naman ni Aldeguer si Banal sa title fight sa pinaglalaruang dibisyon.
Sariwa si Banal sa 1st round KO panalo kontra kay Raul Hidalgo ng Mexico na ginawa noong Sabado sa Cebu City Waterfront Hotel.
Para mas mapaghandaan ang mga susunod na malaking laban, ipadadala ni Aldeguer si Banal sa US at ipagagabay kay Robert Garcia na siyang trainer ni Donaire.
May 27 panalo sa 29 laban kasama ang 20 KO, si Banal ay minsan ng napalaban sa interim WBA super flyweight title pero natalo siya ni Rafael Concepcion ng Panama sa pamamagitan ng 10th round KO na ginawa sa Cebu Coliseum noong 2008.
Matapos ang kabiguang ito, umakyat na ng timbang si Banal sa 118-pounds at hindi pa siya natatalo matapos ang 10 laban.
- Latest
- Trending