MANILA, Philippines - Pinag-init pa ng Air Asia Philippine Patriots ang kanilang laro sa second half upang angkinin ang 82-70 panalo laban sa Singapore Slingers sa idinaos na 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) kahapon sa Singapore Indoor Stadium.
Ito ang ikaapat na sunod na panalo sa road ng koponang pag-aari nina Mikee Romero at Tony Boy Cojuangco at nangyari ito dahil sa solidong numero mula sa mga imports, ang inaasahang locals tungo sa paghagip sa pinakamagandang karta na 11-2.
Si Anthony Johnson ang bumandera uli sa 23 puntos at 9 rebounds habang si Nakiea Miller ay may 22 puntos, 15 rebounds at 3 blocks.
May 13 puntos si Al Vergara habang dalawang tres ang ginawa ni Jonathan Fernandez sa ikatlong yugto na kung saan ibinaon ng Patriots ang host team at maduplika ang 80-75 panalo na naitala sa unang pagtutuos.
Ang pangalawang tres ni Fernandez ay umani pa ng foul kay Chris Canta para sa kumpletong four-point play para bigyan ang tropa ni coach Glenn Capacio ng 66-52 kalamangan.
Limang puntos pa ni Johnson ang nagtala sa pinakamalaking bentahe ng bisitang koponan mula Pilipinas na 15 puntos, 75-60, may 5:58 sa orasan.
Tig-19 puntos ang ginawa nina Louis Graham at Kyle Jeffers at ang una ay mayroon pang 15 rebounds at 2 blocks habang 13 boards ang idinagdag ng nagbabalik na Slingers import.
Pero masama ang pagbuslo ng mga locals na nagtala ng 11 of 30 at ang Slingers ay tumapos sa 35% percent shooting mula sa 24 of 69 marka.
Bukod sa mas magandang shooting ng Patriots na may 44% (28 of 64), ang inaugural champions ay nakapagdomina rin sa rebounding, 43-37, para sa 34-24 inside points.