Kenyan runners dinomina ni Banayag
MANILA, Philippines - Binalikat ni dating marathon queen Jho-An Banayag ang laban ng mga national athletes sa Kenyan runners nang mangibabaw sa women’s 10-k sa Tupperware Run for Water kahapon sa Aseania City sa Diosdado Macapagal Blvd, Parañaque City.
Hindi pinahintulutan ni Banayag na makaporma pa si Irene Kipchumba nang hindi manlamig ang malakas na takbo tungo sa pagsumite sa pinakamabilis na tiyempo na 36 segundo at 21 minuto.
Nasa 50 segundo ang agwat ni Banayag kay Kipchumba na may 37:11 habang si Aileen Tolentino ang pumangatlo sa 40:30.
Ang pambato sa kalalakihan na si Julius Sermona ay hindi umabot kay Philip Ronoh nang maorasan ito ng 31:05 at kinapos ng walong segundo sa Kenyan runner (30:57).
Ang pangatlong puwesto ay inangkin ng isa pang dayuhang runner na si Samson Tuwei sa 32:29 bilis.
Kinapos din ang double silver medalist ng 26th SEA Games sa Indonesia Mervin Guarte sa 5-k division nang pumangalawa lamang ito kay Richard Chelimo sa 15:37 bilis laban sa 15:30 ng nagkampeon.
Isa pang Kenyan na si James Mibei sa 15:39.
Sina Tupperware managing director Perry Mogar at marketing director Charmane Abad ay nagbigay ng kanilang oras upang dumalo sa awarding ceremony.
Umabot sa 2,000 ang runners na tumakbo upang matuloy ang pagbibigay ng malinis na inuming tubig na aabot sa 2,000 litro sa mga naninirahan sa Payatas sa Quezon City gamit ang Operation Blessing.
- Latest
- Trending