MANILA, Philippines - Matapos ang Tropang Texters, ang Llamados naman ang sumikwat ng playoff para sa isa sa dalawang outright semifinals berth.
Ginawa ito ng B-Meg matapos takasan ang Powerade, 96-94, tampok ang hinugot na 13 points ni two-time PBA Most Valuable Player James Yap sa third quarter at 9 markers ni import Denzel Bowles sa final canto sa elimination round ng 2012 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart-Araneta Coliseum.
Nilusutan din ng Llamados ang itinalang 12 points ni Gary David, naging pang 64 miyembro ng 5,000-point club, sa fourth period para sa paghahabol ng Tigers mula sa isang 11-point deficit.
May 6-3 baraha ngayon ang B-Meg sa ilalim ng nagdedepensang Talk ‘N Text (6-2) kasunod ang Barangay Ginebra (4-3), Alaska (5-4), Barako Bull (4-4), Powerade (4-5), Meralco (4-5), Air21 (3-5) at mga talsik nang Petron Blaze (3-5) at Rain or Shine (3-6).
Pormal na aabante sa semis ang Llamados kung matatalo ang Gin Kings sa kanilang huling dalawang laro at kung mabibigo ang Tropang Texters sa Boosters sa Miyerkules.
“We’ll just wait for Ginebra if they fare in their last two games,” sambit ni B-Meg head coach Tim Cone.
Kinuha ng Llamados ang first half, 46-43, bago nagpasabog si Yap ng 13 points sa third period matapos ang 0-of-8 fieldgoal shooting para iwanan ang Tigers sa pagsasara nito, 73-63.
Matapos ilista ng B-Meg ang isang 11-point lead, 92-81, sa 4:17 ng final canto, isang 12-2 bomba ang inihulog ng Powerade mula kina David, JVee Casio at Marcio Lassiter upang idikit ang laro sa 93-94 agwat sa huling 46.2 segundo.
Tumalbog ang jumper ni Bowles sa posesyon ng Llamados at nagkaroon naman ng turnover si Casio na nagresulta sa dalawang freethrows ni Josh Urbiztondo para sa 96-93 lamang ng Llamados sa natitirang 10.7 segundo.
Sa tatlong ibinigay na freethrows kay David buhat sa foul ni Bowles sa three-point line, ang pangalawa lamang ang kanyang naipasok sa nalalabing 5.1 segundo kasunod ang kabiguan nina import Dwayne Jones at Sean Anthony na makakonekta para itabla ang Tigers.
B-Meg 96 - Bowles 29, Urbiztondo 15, Yap 15, Pingris 12, Simon 7, Intal 6, Reavis 4, De Ocampo 4, Barroca 2, Villanueva 2.
Powerade 94 - David 25, Lassiter 17, Jones 11, Anthony 11, Kramer 9, Casio 8, Antonio 5, Lingganay 3, Allera 2, Cruz 2, Adducul 1, Vanlandingham 0.
Quarterscores: 24-21; 46-43; 73-63; 96-94.