Streak ng Beermen pinigil ng Heat
MANILA, Philippines - Kumunekta si Jahmar Thorpe sa dalawang mahahalagang free throws sa huling 8.1 segundo sa orasan upang tulungan ang bisitang Saigon Heat sa 66-63 panalo laban sa San Miguel Beermen sa pagpapatuloy kagabi ng 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nahablot ni Thorpe ang offensive rebound sa sablay sa ikalawang buslo sa 15-foot line ni Robert Sanz bago nakakuha ng huling foul ni SMB import Dalron Johnson.
Gumawa pa ng play si coach Bobby Ray Parks Sr. at si Froilan Baguion ay nalibre sa tres.
Pero, sinamangpalad si Baguion na siyang nagpatabla sa laro sa huling pagkakataon sa 63-all sa isang tres, na nagmintis para ibigay sa Heat ang ikaapat na panalo sa 13 laro.
Si Thorpe ang nanguna sa Heat sa kanyang 24 puntos at 11 rebounds habang 19 puntos at 10 rebounds ang hatid ni Jonathan Jones at ang Heat ay nakitaan uli ng solidong depensa nang limitahan lamang ang Beermen sa 63 puntos.
Tumapos sina Johnson at Leo Avenido taglay ang tig-17 puntos pero wala ng kakampi ang umiskor ng doble pigura kasama na ang pangalawang import na si Jarrid Famous na may anim na puntos lamang para magtapos na ang limang sunod na panalo ng koponan tungo sa 10-4 baraha.
Samantala, makadalawa sa Singapore Slingers ang sisipatin ngayon ng AirAsia Philippine Patriots sa pagbisita nila sa Singapore Indoor Stadium sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) ngayong hapon.
Sa pagbalik ng masiglang palalaro nina Nakiea Miller at ang matibay na ipinakikita nina Anthony Johnson, Al Vergara, Francis Adriano at Aldrech Ramos, ang Patriots ay inilalagay na paborito pa rin sa laban na magsisimula sa ganap na ika-4 ng hapon.
Ito ang ikaapat na sunod na road game ng tropang pag-aari nina Mikee Romero ng Harbour Centre at Tony Boy Cojuangco at sasakyan nilang 3-0 karta na naiposte noong nakaraang linggo upang sungkitin din ang ika-11 panalo matapos ang 13 laro.
“Kailangang manatili ang focus sa laro. Napapansin ko na naaapektuhan ang team ng mga bad calls na hindi dapat mangyari. Key rin ang ipakikitang suporta ng mga local players,” wika ni coach Glenn Capacio na humugot ng 90-85 panalo sa Slingers sa unang tagisan.
Si Miller ay sariwa sa paghatid ng 19 puntos, kasama ang mahalagang tres upang tulungan ang Patriots na kunin ang 90-87 panalo sa Westports Malaysia Dragons.
- Latest
- Trending