MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng lalawigan ng Pangasinan ang kanilang kahandaan para sa 2012 Palarong Pambansa sa Mayo 6-12.
Ito ang pahayag ng mga kinatawan ng lalawigan at ng Department of Education sa SCOOP Sa Kamayan weekly session sa Kamayan Restaurant-Padre Faura.
“Lahat ng gawain sa pagsasaayos ng mga competition venues, billeting ng ahleta, opisyal at maging ng media ay nakumpleto na. At ang lalawigan ng Pangasinan at mga siyudad na pagdarausan ng Palaro ay nakahanda na din,” pahayag ni provincial administrator Rafael Baraan.
Ikakalat ang mga events ng 2012 Palarong Pambansa sa Lingayen, Dagupan at San Carlos.
Kabuuang 17 sports events sa elementary at high school ang paglalabanan sa Palaro ng mga humigit-kumulang na 10,000 student-athletes.
Ang mga ito ay ang athletics, arnis, badminton, baseball, basketball, boxing, chess, football, gymnastics, sipa, sepak takraw, softball, swimming, table tennis, taekwondo, tennis at volleyball.
Ang Narciso Ramos Sports Complex sa Lingayen ang magiging main hub ng kompetisyon. Ang NRSC ay ipinangalan sa ama ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Tiniyak din ng DepEd Palaro technical committee na magiging maayos ang pagdaraos ng nasabing annual sports meet.