MANILA, Philippines - Ang dating pambato sa juniors at Davis Cup member na si Francis Casey Alcantara ang siyang papalit sa puwestong iiwan ni Jeson Patrombon sa Philippine Davis Cup team.
Si Alcantara na isang scholar sa Fresno University sa California ay pumayag na maglaro uli sa Pambansang koponan laban sa Pakistan sa 2nd round Asia-Oceania Zone Group II tie na itinakda mula Abril 6 hanggang 8 sa Philippine Columbian Association (PCA) indoor courts.
“I’m happy and excited to be part again of the Davis Cup,” pahayag ng 20-anyos na si Alcantara na ranked 58th sa singles at 48th sa doubles sa US NCAA Division I.
Si Patrombon na umani ng dalawang panalo sa 5-0 sweep ng Pilipinas sa Pacific Oceania noong Pebrero sa Iriga City ay may iniindang right ankle injury at mangangailangan siya ng dalawa hanggang tatlong linggong pamamahiga.
Huling naglaro si Alcantara sa Davis Cup ay noon 2009 at nanalo siya laban kay Michael Lai ng Hong Kong bago natalo kay Jalil Khan ng Pakistan.
Nakasama uli si Alcantara, ang kauna-unahang Pinoy netter na nanalo sa Grandslam nang makatambal si Hsieh Cheng-peng ng Chinese-Taipei at nagkampeon sa Australian Open Juniors doubles, sa koponan noong 2010 laban sa Japan at yumukod siya kay Soeda Go.
Darating si Alcantara mula US sa Abril 3, isang araw matapos ang pagdating nina Fil-Ams Treat Huey, Ruben Gonzales at Cecil Mamiit na siya uling tatayo bilang non-playing team captain.