MANILA, Philippines - Palawigin sa anim na sunod ang winning streak ang balak gawin ngayong gabi ng San Miguel Beermen sa muling pakikipagtuos sa Saigon Heat sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Dinurog ng Beermen ang Heat sa unang pagtutuos noong Pebrero 11 sa Vietnam, 85-62, at pinaniniwalaan na walang magiging problema sa target na panalo sa larong itinakda sa ganap na ika-6 ng gabi.
Papasok ang home team mula sa limang sunod na panalo at ang Bangkok Cobras ang huling hiniya ng Beermen sa 86-78 tagumpay noong nakaraang linggo.
Patuloy na humuhugot ng solidong numero ang koponan ni coach Bobby Ray Parks Sr. mula sa kanyang import na si Dalron Johnson na may 18.5 puntos, 9.7 rebounds at 3 assists pero kumakamada rin ang mga locals sa pamumuno ni Leo Avenido.
Si Avenido ay naghahatid ng 14.6 puntos at nagpasabog ng 33 puntos sa laban kontra sa Cobras.
Kung magwawagi pa ay papantayan ng koponan ang pinakamahabang six-game winning streak sa liga na hawak ng AirAsia Philippine Patriots bukod sa pagsungkit sa ika-11 panalo matapos ang 14 na laro.
Aasa naman ang Heat sa husay nina imports Jonathan Jones (19.8 puntos at 12 rebounds) at Jahmar Thorpe (18.7 puntos at 11 rebounds) para pag-ibayuhin ang pinakamasamang karta sa walong koponan liga na ngayon ay may 3-9 kartada.