MANILA, Philippines - Tinalo ni Jurence Zosimo Mendoza sina 16th seed Siyu Liu ng China at Aussie netter Jack Schipanski kahapon upang umabante na sa semifinals sa 23rd Mitsubishi Lancer International Tennis Championships na nilalaro sa Rizal Memorial Tennis Center.
Dalawang laro ang hinarap ni Mendoza dahil naudlot ang tagisan nila ni Liu noong Huwebes bunga ng walang tigil na pagbuhos ng ulan.
Nagkasukatan ang dalawang netter pero mas nangibabaw ang galing ni Mendoza sa tie-break tungo sa 7-6 (5), 7-6 (4), panalo.
Matapos ang isang oras na pahinga ay bumalik sa court ang 5’8, tubong Olongapo City netter at dinaig si Schipanski, 6-3, 6-3.
“Medyo napagod ako sa first game at mainit din pero hindi ko inintindi ito at humugot ng lakas sa mga magulang ko at coach ko na kasama sa mga nanood,” wika ni Mendoza.
Kalaban niya ngayong umaga ang top seed na si Nikola Milojevic ng Serbia at ang 13th seed sa mundo ay nanaig kay Omar Jasika ng Australia, 6-3, 6-2.
“Nagkaharap na kami sa Thailand two weeks ago at natalo ako sa kanya sa second round. Top seed siya at mahirap hanapin ang weakness niya pero ako, nothing to lose sa labang ito at lalaruin ko lang ang game at ibibigay ang best ko,” dagdag pa ni Mendoza.
Sakaling malusutan ang top seed, mapapantayan ni Mendoza ang pinakamagandang pagtatapos na naabot na isang Filipino netter sa boys’ single na naitala ni Jeson Patrombon noong nakaraang taon.