Ubos ang Pinay sa Mitsubishi netfest; Mendoza kumakasa pa
MANILA, Philippines - Kasabay ng makulimlim na panahon na kinakitaan ng pagbuhos ng malakas na ulan ay ang masamang laro na naipakita ni Marian Jade Capadocia para mamaalam na sa 23rd Mitsubishi Lancer International Junior Tennis Championships kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Sinikap man na bigyan ng magandang laban ang third seed na si Barbora Krijcikova ng Czech Republic ay lumabas ang mas malayong antas ng laro ng dayuhan laban sa 16-anyos na si Capadocia tungo sa 2-6, 2-6, kabiguan sa third round ng girls singles.
Halos limang oras na naantala ang laro dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan mula kahapon ng umaga at ang mahabang pahinga ay tila nakaapekto kay Capadocia na naiwanan agad sa 0-4 sa first set.
Nakuha ni Capadocia ang unang game sa second set pero namayani si Krijcikova, ang 39th ranked player sa mundo, sa sumunod na anim sa pitong game tungo sa straight sets panalo.
Dahil sa pangyayari, naiwan kay Jurence Zosimo Mendoza ang laban ng host country sa boy’s division.
Hinarap ni Mendoza si 16th seed Siyu Liu ng China at angat siya sa 5-4 sa first set nang itinigil na ang aksyon dahil sa muling pagbuhos ng ulan.
Ang lahat ng laro na hindi natapos o naidaos ay ililipat ngayong umaga.
- Latest
- Trending