OFW napiling Olympic torchbearer
MANILA, Philippines - Isang Overseas Filipino Worker (OFW) ang nagkaroon ng pagkakataon na mapasama sa listahan ng mga torchbearers para sa Olympic Torch Relay patungo sa 2012 London Games sa Hulyo.
Si Reymund Enteria, tubong Antipolo City na nagtatrabaho bilang therapist sa Kent, England, ay isa lamang sa 7,300 torchbearers na napabilang sa Olympic Torch Relay na magtatagal ng 70 araw at maglalakbay sa isang 8,000-mile journey na magsisimula sa Mayo 18.
“I am truly grateful to be chosen as torchbearer. I share this honor to all OFWs around the world. I’m proud to represent our country,” sabi ng 30-anyos na si Enteria sa isang e-mail kay Philippine Olympic Committee president Peping Cojuangco.
“To my family, friends, relatives, patients and colleagues at work, be proud as I am officially chosen to be an Olympic torchbearer,” wika pa ng anak ng isang dating jeepney driver.
Napasama si Enteria sa 7,229 iba pang nakapasa sa isang public nomination processes ng Olympic organizers at presenting partners Coca Cola, Lloyds TSB at Samsung.
Ang 300 iba pa ay papangalanan sa susunod na mga linggo.
Matutunghayan si Enteria sa Hulyo 22 sa pagpasok ng torch relay sa Barking at Dagenham sa London, limang araw bago ang 2012 Olympics.
Siya ay mapapabilang sa 115 na aagaw ng eksena bilang mga torchbearers.
- Latest
- Trending