MANILA, Philippines - Kung muling aakyat ng weight division si Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. ay maaari niyang makasagupa si Mexican world featherweight champion Orlando Salido.
Sinabi ni Fernando Beltran, ang promoter nina Salido, Juan Manuel Marquez at Christian Mijares, na pangarap niyang maitapat si Salido kay Donaire, ang kasalukuyang World Boxing Organization (WBO) super bantamweight champion.
“I know Nonito, who is a very good fighter who I respect, is looking for Arce, who is my fighter. And I know Arce believes that he can beat him and it’s a great fight, but in case Nonito comes out with his hands raised, I would love to see Nonito for Orlando Salido,” ani Beltran kay Donaire.
Itinakda na ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang title defense ni Donaire sa Hulyo 14 sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas. Ngunit wala pang inihahayag na hahamon sa kanya.
Tinalo ni Donaire, nagbabandera ng 28-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 18 KOs, si Wilfredo Vazquez Jr. ng Puerto Rico via unanimous decision para sa bakanteng WBO super bantamweight title noong Pebrero 4.
Isang tenth-round TKO naman ang kinuha ni Salido (38-11-2, 26 KOs) laban kay Juan Manuel Lopez (31-2-0, 28 KOs) para sa WBO featherweight belt noong Marso 10 sa Clemente Stadium.
Inaasahan ni Beltran na isang matinding suntukan ang matutunghayan ng mga boxing fans sakaling maitakda ang Donaire-Salido featherweight fight.