Magreretiro ba o hindi?
Hindi naman sa minamadali natin si Manny Pacquiao. Kaya lamang ay nagtataka tayo kung bakit may tawad pa ang kanyang pagreretiro makaraang ‘makausap’ niya ang Diyos.
Noong una kasi sabi ni Manny nakausap niya sa panaginip ang Diyos at sinabi na pinagreretiro na siya. Katuwiran ni Pacquiao na kanyang ipinahayag sa isang military graduation noong nakaraang linggo. “It’s not right that I share God’s word and at the same time hurt other people,”
“I’ve gained more than enough blessings these past years so I think it’s time for me to return the favor.”
Agad nag-alab ang mga reaksyon dito. Maraming nagsabi na hindi pa dapat, may nagsabi naman na dapat na.
Sa akin ay tama lamang at reasonable naman ang katuwiran ni Pacquiao. Dahil sa siya ay nagtuturo ng salita ng Diyos, tama lamang na sundin niya ang salita ng Diyos. Kumbaga, practice what your preach.
Paano nga naman siya paniniwalaan kung may hawak siyang Bibliya at nagtuturo ng salita ng Diyos, pero nang-uumbag at nanakit siya ng tao (kahit pa ito ay para sa sports.)
Pero biglang nagbago ang ihip ng hangin nang sabihin ni Manny na ‘three fights pa,’
Ibig sabihin pinagbigyan pa siya ng Diyos ng ‘three fights’ bago magretiro.
Medyo may kabalintinuan yata ito.
Ang sabi kasi ni Manny, nang ‘makausap’ niya ang Diyos sa panaginip, sinabi nito na ayaw niyang manakit na ng kapwa tao. Pero bakit ganoon ang sabi niya ay ‘three fights pa.’ Ibig sabihin ba nito ay binigyan pa siya ng tatlong laban ng Diyos para makapanakit ng kapwa.
Hindi ko yata makuha ang lohika.
Hindi ako ganoon ka-relihiyoso, pero sa pagkakaalam ko kung talagang sumusunod ka sa utos ng Diyos, pag sinabi Niya na ‘tigil na,’ e di ‘tigil’ na.”
May mga nagsasabi kasi na gusto lamang ni Pacquiao ng publisidad, kasi nga sumasama ang kanyang imahe dahil sa mga balita tungkol sa paghahabol ng Bureau of Internal Revenue sa kanya. Sinasabi kasi ng BIR na hindi nagbabayad ng tamang buwis at sa tamang panahon si Pacquiao.
Katunayan ay nasa ‘watchlist’ nga siya ng BIR dahil sa hindi pagdedeklara ng mga tamang panalo, eh public official pa naman siya. Dapat siya ang unang sumunod sa tamang pagbabayad ng buwis, di ba?
Ano ang ibig sabihin nito…Gumigimik lamang si Pacquiao para malinis muli ang kanyang imahe.