ULAANBAATAR, Mongolia--Matapos si bantamweight Nesthy Petecio, si flyweight Alice Kate Aparri naman ang sumuntok ng panalo para sa PLDT-ABAP National Boxing Team sa 6th Asian Women’s Boxing Championships dito.
Umiskor ang 27-anyos na pambato ng Baguio City ng isang 15-5 tagumpay laban kay Meng-Chieh Pin ng Chinese-Taipei.
Nauna nang tinalo ni Petecio si Taiwanese bet Yuan Hu, 12-3, sa bantamweight division sa pagsisimula ng torneo noong Lunes.
Mula sa opening bell ay hindi nilubayan ng mga suntok ng three-time SEA Games gold medalist at two-time World Championships bronze winner na si Aparri, isang Hotel and Restaurant Management graduate ng University of Baguio, si Meng.
Samantala, nakatakdang labanan ni Josie Gabuco, isang two-time SEA Games gold medalist at bronze medalist sa 2008 World Championships,si light-flyweight Yukie Luo ng People’s Republic of China matapos makabunot ng bye sa first round.
Haharapin naman ni Petecio si North Korean Un Jong Choe papunta sa medal round.
Ang torneo, may kabuuang 82 partisipante mula sa 17 Asian nations, ay nagsisilbing preparasyon ng koponan para sa Women’s Olympic Qualifying event sa Qinhuangdao, China sa Mayo.