MANILA, Philippines - Nakitaan ng bilis at magagandang patama si Nesthy Petecio para kunin ang 12-3 panalo laban kay Yuan Hu ng Chinese-Taipei sa pagsisimula noong Lunes ng 6th Asian Women’s Boxing Championships sa Ulaan Baatar, Mongolia.
Umalagwa sa 3-0 kalamangan ang 19-anyos tubong Davao na si Petecio matapos ang unang round at lumawig ito sa 7-1 at 10-2 matapos ang ikalawa at ikatlong rounds tungo sa magandang panimula ng Pambansang koponan na inilahok ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP).
“Masaya kami sa ipinakita ni Nesthy dahil andoon ang kanyang focus sa laban,” wika ni ABAP executive director Ed Picson.
Ang panalo ay nagtulak kay Petecio na harapin ang mas mabigat na si Un Jong Choe ng North Korea sa second round.
Sunod na sumampa ng ring ay si Alice Kate Aparri na hinarap si Meng-Chieh Pin ng Chinese Taipei noong Lunes ng gabi.
Si Josie Gabuco na tulad ni Aparri ay 26th SEA Games gold medalist ng bansa ay sa Miyerkules pa lalaban kontra kay Yukie Luo ng China.
Nasa minus 15C sa umaga ang klima sa Mongolia pero hindi masyadong naaapektuhan ang panlaban ng bansa dahil sa mga makakapal na kasuotan na ipinamahagi ni ABAP president Ricky Vargas.
Sina Pat Gaspi, Mitchel Martinez at Violito Payla ang mga coaches ng koponan habang si Karina Picson na kasapi ng Asian Women’s Commission ay kasama sa mga international technical officials na nagpapatakbo sa torneo.