MANILA, Philippines - Nagwagi si Marian Jade Capadocia laban kay Carina Ma Kaman ng Hong Kong, 6-1, 4-6, 6-2, upang lagyan ng kinang ang makulimlim na kampanya ng pambato ng bansa sa pagbubukas kahapon ng 23rd Mitsubishi Lancer International Junior Tennis Championships sa Rizal Memorial Tennis Center.
Nagtiyaga uli ang 16-anyos na si Capadocia sa pagbalik-balik sa bola ni Kaman hanggang sa magka-error ito sa third set upang makaabante sa second round.
“Nag-relax ako sa second set kaya nakabawi siya. Pero sa third set, ibinalik ko ang laro ko na magandang serve at pabalik-balik sa bola,” wika ni Capadocia, isang fourth year high school student sa Arellano University-Mabini Campus na kinuha rin ang ikalawang sunod na panalo sa tatlong pagkikita nila ni Kaman.
Sunod na kalaban ni Capadocia na tutungo sa US upang sumailalim sa mga traning camps at lumahok sa mga kompetisyon sa bandang Mayo, si 14th seed Klaartje Liebens ng Belgium ngayon.
“Nakita ko na siyang maglaro at malakas siya pero gagawin ko ang lahat para manalo,” ani pa ni Capadocia na nasa ikatlong taon ng paglalaro sa Grade I event na ito at balak higitan ang pagkapasok sa quarterfinals noong 2010.
Ang ibang lahok ng bansa na nasalang ay natalo na at kasama rito si Tamitha Nguyen na kinapos sa tie-break laban kay Natsuho Arakawa ng Japan, 4-6, 7-5, 6-7(5).
Si Jasmine Ho ay natalo kay Louise Oxnfvad ng New Zealand, 3-6, 0-6; si Roxanne May Resma ay bigo kay Rangrong Leenabanchong ng Thailand, 1-6, 3-6; si Isabella Mendoza ay talo kay Hiraki Yamamoto ng Japan, 0-6, 0-6; bigo si Maika Jae Tanpoco kay Tami Grende ng Indonesia; 0-6, 2-6; yuko si Maria Angela Sunga kay Mami Adachi ng Japan, 1-6, 3-6; at bigo si Marinel Rudas kay Dina Karina ng Indonesia, 3-6, 4-6.