MANILA, Philippines - Ikalawang sunod na panalo ang balak ng Blackwater Sports habang unang panalo ang pag-aagawan ng mga bagitong koponan na Erase Plantcenta at Cagayan Rising Suns sa pagpapatuloy ng PBA D-League Foundation Cup ngayon sa The Arena sa San Juan Gym.
Kalaban ng Elite ang Junior Powerade Tigers sa tampok na laro dakong alas-4 ng hapon at sinisipat ng tropa ni coach Leo Isaac na maduplika ang ipinakitang laro nang kanilang durugin ang RnW Pacific Pipes, 88-67, sa unang asignatura.
“Confident ako sa chance namin na makapasok sa semifinals. Umiwas kami ngayon sa mga players na hindi kayang ibigay ang total commitment sa team at nakuha ko rin ang mga players na gusto kong kunin,” wika ni Isaac.
Hindi naman nagkukumpiyansa ang Elite dahil aminadong si Isaac na hindi niya alam ang larong kayang ibigay ng Tigers na hawak ni UP coach Ricky Dandan at binitbit sa koponan ang mga Maroons tulad ni Jet Manuel, Mike Silungan, Mike Gamboa at Mark Juruela.
“Dahil isang collegiate team sila, expected ko ang pressure defense at run and gun style ng laro. Kailangang kami ang makapagdikta ng tempo,” dagdag pa ni Isaac na aasa kina Gio Ciriacruz, Jordan Mandani, Paul Zamar at Kelly Nabong na naghatid ng doble-pigurang puntos sa unang laro.
Magpapakitang-gilas din ang Suns sa kanilang unang laro sa liga kahit wala ang kanilang head coach na si Alvin Pua.
Si Pua ay sinuspindi ng tatlong laro at pinagbayad ng P50,000 nang suntukin niya ang referee sa isang tune-up game noong nakaraang linggo.
Hahalili sa puwesto ni Pua si Francis Rodriguez at pipilitin niyang tabunan ang masamang simula ng Cagayan team sa liga sa pag-ani ng panalo.
Inaasahang hindi magiging madali ang bagay na ito dahil ang Eraser ay nagbabalak na makabawi matapos ang 57-76 panghihiya na inabot sa kamay ng Café France.
Ang mga beteranong sina Jet Vidal at Allan Mangahas na gumawa ng 17 at 11 puntos sa unang sabak sa aksyon, ang magsisipag uli para maipanalo na ang koponan.