Azkals wagi sa Palestine para sa 3rd place
MANILA, Philippines - Hindi nasayang ang paglalaro ng Philippine Azkals sa 2012 AFC Challenge Cup nang angkinin ang ikatlong puwesto sa bisa ng 4-3 panalo laban sa Palestine sa pagtatapos ng kompetisyon kahapon sa Dasarath Rangasala Stadium sa Kathmandu, Nepal.
Si Phil Younghusband ay naghatid ng dalawang goals, ang magkapatid na sina Angel at Juan Luis Guirado ay may tig-isa, habang ang depensa ni goalie Eduard Sacapano sa mahalagang atake ng The Fighters ang nagresulta para maitala ang pinakamagandang pagtatapos ng Pilipinas sa nasabing kompetisyon.
May dalawang goals din si Abdulhamid Abuhabi para sa Palestine at nagkaroon pa ng pagkakataon na makagawa ng hat trick nang atakihin nito ang depensa ng Azkals sa puntong isang goal lamang ang naghihiwalay sa dalawang koponan.
Pero handa si Sacapano, pumalit sa puwesto ni Neil Etheridge na suspindido sa laban matapos bigyan ng red card sa huling laro kontra sa Turkmenistan na naisuko ng Azkals, 1-2.
Ang inakalang libreng attempt ni Abuhabi at nilundag ni Sacapano upang mapalabas ang bola at maisalba ang kalamangan.
Tinapos ni Juan Luis Guirado ang labanan nang agawan ng bola ang umaatakeng Palestinian para magdiwang ang mga suporters at ibang kasapi ng Azkals.
Sa fourth minute ay binuksan ni Younghusband ang iskoring nang maka-goal pero itinabala ito sa 21st minute ni Abuhabi.
Ibinigay ni Younghusband ang ikalawang goal sa isang penalty kick sa 24th minute bago pinalawig ni Angel sa dalawang goal ang bentahe sa halftime(3-1) nang ang kanyang roller ay lumusot sa naghahabol na goalie ng Palestine na si Ramzi Saleh.
Si Abuhabi ang umangkin sa ikalawang goal ng kanyang koponan sa 66th minute at matapos ang goal ni Juan Luis ay idinikit uli ni Fahed Attal ang Palestine sa 4-3 nang masuwertehan na mapunta sa kanya ang bolang mainitang pinaglalabanan sa 77th minute.
Maliban sa bronze medal, maaari pang magkaroon ng isa pang award ang Azkals sa katauhan ni Younghusband na palaban sa Golden Boot award.
Ang anim na goals na ginawa ni Younghusband sa torneo ay mas marami ng tatlo kay Pak Nam Chol ng North Korea.
Kalaban ng North Korea ang Turkmenistan sa Finals at kung hindi makakarami ng goal si Pak, si Younghusband na ang hihirangin bilang best scorer ng torneo.
- Latest
- Trending