Fulgencio Knockout Kay Sonsona
MANILA, Philippines - Seryoso na si dating world super flyweight champion Marvin Sonsona na makabalik sa dati niyang kinalalagyan.
Ipinakita ito ng 21-anyos na si Sonsona nang pabagsakin si Carlos Fulgencio ng Dominican Republic sa fifth round ng kanilang 10-round non-title bout noong Sabado ng gabi sa Hoops Dome sa Lapu-Lapu, Cebu.
Isang matulis na right cross kasunod ang kanyang left uppercut ang nagpatumba kay Fulgencio sa 1:22 sa 5th round.
Bagamat pinilit ni Fulgencio na makabangon sa bilang na pang siyam para muling harapin si Sonsona, itinigil na ni referee Tony Pesons ang naturang laban.
“Mas mabilis ako ngayon pero hindi ko pa nakukuha ‘yung dati kong porma,” sabi ng tubong General Santos City na si Sonsona (16-1-1, 13 KOs) matapos ang kanyang panalo kay Fulgencio (19-6-1, 12 KOs). “Siguro 70 percent pa lang akong nakakabalik sa kondisyon ko.
Nanggaling si Sonsona sa isang panalo laban kay Mexican foe Carlos Jacobo noong Oktubre.
Muling mag-eensayo si Sonsona sa Mayo sa training camp ni American promoter Sampson Lewkowicz sa Oxnard, California.
Kagaya ni Sonsona, umiskor din ng panalo si Froilan Saludar (15-0-1, 11 KOs) mula sa kanyang unanimous decision kontra kay Mexican challenger Alejandro Morales (13-2-1, 7 KOs) para patuloy na isuot ang WBO world youth flyweight title
Tinanggalan naman ni Mark Anthony Geraldo si Jerwin Ancajas ng hawak nitong WBO Asia-Pacific youth superflyweight championship, habang tinalo ni Adones Cabalquinto si Dan Nazareno para sa bakanteng Philippine junior welterweight title.
- Latest
- Trending