Yang sumargo kay Biado sa Face-Off-Series
MANILA, Philippines - Nakitaan ng galing si Carlo Biado nang kanyang talunin si Yang Ching-shun ng Chinese Taipei, 9-3, noong Sabado sa idinadaos na lingguhang Philippine Bigtime Billiards (PBB) Face-Off Series sa PAGCOR Airport Casino sa Parañaque City.
Hanggang sa 2-all lamang nakaporma si Yang, tinaguriang ‘Son of Pool” bago umararo ng limang sunod na racks si Biado upang ilapit din ang Team Philippines sa Team Asia sa 3-2 iskor pabor sa huli.
“Hindi ko na siya talaga binigyan ng pagkakataon na makabalik pa dahil alam kong mahirap siyang kalaban lalo na kung dikitan ang labanan,” wika ni Biado na kasapi ng Bugsy stable.
Kumabig si Biado ng $5000 sa panalo sa torneong inorganisa ng Mega Sports World at BRKHRD na suportado rin ng Malungai Life Oil, Hermes Sports Bar, Golden Leaf Restaurant, Bugsy Promotions, Mandarin Sky Sea Food Restaurant, Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP) at The Philippine Star na siyang official media partner.
Babalik sa mesa si Yang sa Marso 24 upang harapin si Francisco “Django” Bustamante habang ang huling laro sa buwan ng Marso ay sa pagitan nina Ronato Alcano at Chang Yu Long sa Marso 31.
Bukod kay Biado, umukit din ng panalo para sa Team Philippines sina Bustamante habang sina Ko Pin-Yi at Chang Jung-lin ang nagdadala sa bisitang koponan.
Si Chang ay umukit ng dalawang panalo sa kanyang koponan nang talunin sina Lee Van Corteza at Dennis Orcollo.
- Latest
- Trending