MANILA, Philippines - Kung mayroon mang bagay na nabigong ibigay ng ibang koponan sa Express, ito ay ang respeto.
Pinahalagahan ang kakayahan ng Air21, su-mandal ang Powerade sa personal-high 32 points ni Gary David upang iposte ang 121-92 panalo para solohin ang pangatlong puwesto sa elimination round ng 2012 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart-Araneta Coliseum.
Nagdagdag si rookie Fil-Am Marcio Lassiter ng 22 markers para sa Tigers kasunod ang tig-10 nina Sean Anthony at Francis Allera.
Itinaas ng Powerade ang kanilang baraha sa 4-3 sa ilalim ng nagdedepensang Talk ‘N Text (5-1) at B-Meg (5-2) kasunod ang Alaska (4-4), Barangay Ginebra (3-3), Air21 (3-4), Petron (3-4), Barako Bull (3-4), Meralco (3-5) at Rain or Shine (2-5).
Kasalukuyan pang naglalaro ang Tropang Texters at ang Gin Kings habang isinusulat ito.
“Ang emphasis namin ng una is we have to give respect to Air21, to what they’ve been doing to the teams who have underestimated them and paid a big price,” sabi ni Tigers’ coach Bo Perasol.
Matapos kunin ang first period, 30-22, inilayo ng Powerade ang kanilang lamang sa 54-47 sa halftime bago iwanan ang Air21 sa third quarter sa kanilang itinalang 33 points kumpara sa 16 ng Express.
Ikinasa ng Powerade ang isang 24-point lead, 87-63, sa pagsasara ng third period at hindi na nilingon pa ang Air21.
Kumolekta si naturalized Marcus Douthit ng 18 points at 15 rebounds para sa Express kasunod ang 17 markers ni Bitoy Omolon at tig-10 nina Jojo Duncil at Mark Isip.
Powerade121 - David 32, Lassiter 22, Anthony 10, Allera 10, Jones 8, Vanlandingham 7, Casio 6, Adducul 6, Martinez 5, Lingganay 5, Cruz 4, Crisano 3, Antonio 3, Kramer 0, Calimag 0.
Air21 92 - Douthit 18, Omolon 17, Duncil 10, Isip 10, Hubalde 8, Sena 6, Jazul 5, Aquino 4, Ritualo 4, Mirza 3, Espiritu 3, Sison 2, Escobal 2.
Quarterscores: 30-22; 54-47; 87-63; 121-92.