MANILA, Philippines - Ibabandera ni double gold medalist ng 26th SEA Games Iris Ranola ang laban ng Pilipinas sa idinadaos na 12th Amway Spring Women’s World 9-Ball Open Championship sa Taipei, Taiwan.
Ito’y makaraang manalo si Ranola kay Laetitia Dos Santos ng France, 7-5, sa kanilang do-or-die game sa Group elimination upang wakasan ang kampanya tangan ang 3-2 baraha.
Nakitaan ng husay sa huling mga racks si Ranola para makuha ang mahirap na tagumpay at makarating sa Final 24 na lalaro sa knockout stage.
Kumuha si Ranola na kampeon sa 8-ball at 9-ball sa SEA Games, ng panalo laban kina Fu Xiao-fang ng China, 7-4, at Mirjana Grujicic ng Venezuela, 7-5, habang natalo siya sa kamay nina Bo-Ra Jung ng Korea, 1-7, at Chieh-Yu Chou ng Chinese Taipei, 0-7.
Naiwang mag-isa si Ranola dahil sinamang-palad na matalo ang dating world 10-ball champion na si Rubilen Amit kay Chen Si-ming ng China, 1-7, upang malaglag sa group play sa 2-3 baraha.
Malakas sana ang pagbubukas ng kampanya ni Amit sa torneo matapos ang 7-0 panalo laban kay Magda Kleingeld ng South Africa at Kaori Ebe ng Japan, 7-3.
Pero bumagsak siya kay Chan Ya-ting ng Chinese Taipei, 5-7, at kay Yang Han-ru ng China, 2-7, para maitakda ang knockout game nila ni Chen na hindi rin niya naipanalo.